Minsan napag usapan namin sa trabaho yung mga eksenang madalas mapanood sa mga pelikulang pinoy. Mga eksenang pag napanood mo, sure ka nang pinoy movies nga yun at wala nang iba. Gaya pag may mamamatay na karakter sa isang eksena, magdadayalog muna ng pagkahaba-haba at pagtapos ng dayalog, at saka siya mamamatay. Bago yun, ipapakita munang hirap na hirap nang magsalita yung mamamatay. Pero nakaya pa niya ang kilometric dayalog bago siya natsugi.
Ano pa? Eto, sa isang eksena, pinagbababaril na ng kontrabida yung bida na takbo ng takbo para di siya tamaan ng bala. Habol naman ang kontrabida with matching putok ng baril one after the other. Eto na, pag na-corner na ng kontrabida ang bida, di naman niya babarilin yung bida, instead, magdadayalog siya ng kilometric din hanggang sa makalingat siya at siya pa ang mapapatay nung bida. Sa ibang pelikula naman, pag na-corner na ng kontrabida yung bida, di na niya mababaril yung bida dahil wala na siyang bala. Ending, patay yung kontrabida. Tapos dadating na yung mga pulis (na laging huli kung dumating sa mga pinoy movies).
Sa mga youth oriented pinoy films naman, at madalas din sa mga comedy films, usong-uso ang beach scenes. Kahit di kailangan sa istorya, isisingit at isisingit ang mga eksena sa tabing dagat para magkantahan at magsayawan ang buong cast, maipakita lang ang other talents (?) ng mga kabataang aktor at aktres. Madalas, sa latter part na ito ng movie. At pag patapos na ang kanta, sabay-sabay silang tatalon, sabay freeze ng frame, sabay labas ng makasaysayang "THE END" sa screen.
Madami pang ibang eksenang pang pinoy movies ang nakakatawa na ang dating sa moviegoers. Pero di naman yun ang topic natin ngayon kundi yung mga plot ng mga teleserye sa telebisyon ngayon. Kapansin-pansin na kasi na halos lahat ng TV series ngayon, iisa ang plot: ang nawawalang anak ng kanyang ina.
Panahon pa ng Mara Clara ay nagkakawalaan na ng mga anak. Di nga ba at isinulat pa sa diary ang ginawang pagpapalit sa dalawang bata na humantong sa hanapan kung sino ang anak nino?
Sa TV show naman ng Sexbomb Dancers na Daisy Siete na umabot ng mahigit 20 seasons sa TV, maraming beses na tungkol sa nawawalang anak ang itinakbo ng istorya. Wala na bang ibang plot na maisip ang mga writers sa TV?
Hanggang ngayon, marami pa ring ina ang naghahanap ng kanilang nawawalang anak.
Sa Sinner or Saint, nawawala at hinahanap ni Bianca King ang kanyang anak. As if di pa yun sapat, si Bianca King mismo ay nawawalang anak naman ni Timmy Cruz sa show na yun.
Sa Time of My Life, si Kris Bernal ang nawawalang anak ni Jean Garcia.
Si Gloria Romero, hinahanap pa rin ang kanyang heredera na walang iba kundi ang child star na si Mona Louise Rey, na nawawalang anak ni Camille Prats sa Munting Heredera.
Maging sa epicseryeng Amaya, di pa rin alam ni Lani Mercado na si Marian Rivera ang tunay niyang anak.
Ilang taon na ang nakararaan, hinahanap din ni Santino sa May Bukas Pa ang kanyang ina.
Sa katatapos lang na Babaeng Hampaslupa (Channel 5), nawawalang anak naman ni Alice Dixson si Alex Gonzaga.
At sa Iglot, nawawala naman ang anak ni Claudine Barretto.
Hay buhay...
Sana next time, mag-isip naman sila ng ibang plot sa istoryang gagawin nila.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento