May kakilala ako, dati ayaw na ayaw niya ng credit card. Katwiran niya, ayaw niyang mangutang. Ayaw niyang magkaroon ng utang. Sa dati nga niyang trabaho, pag may tumatawag para mag-offer ng credit card, agad niyang tinatanggihan para wala nang mahaba pang usapan. At pag nangulit pa ang tumawag at nagtanong kung bakit ayaw niyang kumuha ang credit card, tatarayan na niya ang kausap at sasabihing, "Ayaw ko ng utang. Kaya kong magbayad ng cash."
Noon yun.
Iba na ang eksena ngayon.
Mula nang mauso ang zero interest sa mga credit card purchase, naengganyo nang kumuha ng credit card yung kakilala ko. Ano nga ba yung zero interest? Ito yung pwede kang bumili ng gadgets at appliances nang installment gamit ang credit card at pwede ka pang pumili kung ilang buwan mo itong babayaran. May three months, six months at twelve months. Minsan pupuwede rin ng 24 months kung talagang napakamahal na nung appliances na bibilhin.
Ang totoo, di naman talaga zero interest yun kasi mas mura pa rin ang babayaran mo kung bibilhin mo yun ng cash at hindi hulugan. Pag kukunin mo nang hulugan, papatungan nila ng ilang porsiyento, tapos yun ang kukwentahin at hahatiin sa kung ilang buwan mo babayaran, para malaman kung magkano ang dapat mong bayaran sa bawat buwan.
Magulo ba?
Basta, kung Php24,000 ang halaga nung item na bibilhin mo, at napagkasunduan niyong babayaran mo yun sa loob ng isang taon, eh di Php2000 lang ang babayaran mo sa isang buwan.
Okay na rin. At least, hindi ka maglalabas ng Php24000 nang biglaan. Aba, masakit sa bulsa yun.
At may promo pa nga yung ibang appliance center. Shop now, pay after three months. Again, di ibig sabihin na babayaran mo na ng buo after three months, kundi mag uumpisa ang first installment ng payment mo after three months pa! Aba sosyal!!! Sira na yung gadget, di ka pa nakakapag-umpisang magbayad.
Pero aminin man natin o hindi, malaking tulong sa mga karaniwang tao ang zero interest na yan.Kakayanin bang bumili ng ordinaryong empleyado ng mga mamahaling appliances kung cash agad ang usapan? Siyempre, mas uunahin na yung mga neccesity kesa mga kung anu-anong luho lang naman.
Balikan natin yung kakilala ko, enjoy na enjoy siya sa paggamit ng credit card niya dahil sa mga zero interest purchases. Ngayon nga, halos kumpleto na ang mga kasangkapan niya sa bahay. Nakapagpundar siya ng mga gamit dahil sa zero interest na yan. At pag may bagong labas na gadget at napag-tripan niyang bumili, nakakabili siya. Ang maganda lang, nagagawa naman niyang i-manage nang maayos ang credit card niya para di siya malubog sa utang kahit pa ba zero interest ang labanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento