Martes, Setyembre 6, 2011

ZERO INTEREST

May kakilala ako, dati ayaw na ayaw niya ng credit card. Katwiran niya, ayaw niyang mangutang. Ayaw niyang magkaroon ng utang. Sa dati nga niyang trabaho, pag may tumatawag para mag-offer ng credit card, agad niyang tinatanggihan para wala nang mahaba pang usapan. At pag nangulit pa ang tumawag at nagtanong kung bakit ayaw niyang kumuha ang credit card, tatarayan na niya ang kausap at sasabihing, "Ayaw ko ng utang. Kaya kong magbayad ng cash."

Noon yun.

Iba na ang eksena ngayon.

Mula nang mauso ang zero interest sa mga credit card purchase, naengganyo nang kumuha ng credit card yung kakilala ko. Ano nga ba yung zero interest? Ito yung pwede kang bumili ng gadgets at appliances nang installment gamit ang credit card at pwede ka pang pumili kung ilang buwan mo itong babayaran. May three months, six months at twelve months. Minsan pupuwede rin ng 24 months kung talagang napakamahal na nung appliances na bibilhin.

Ang totoo, di naman talaga zero interest yun kasi mas mura pa rin ang babayaran mo kung bibilhin mo yun ng cash at hindi hulugan. Pag kukunin mo nang hulugan, papatungan nila ng ilang porsiyento, tapos yun ang kukwentahin at hahatiin sa kung ilang buwan mo babayaran, para malaman kung magkano ang dapat mong bayaran sa bawat buwan.

Magulo ba?

Basta, kung Php24,000 ang halaga nung item na bibilhin mo, at napagkasunduan niyong babayaran mo yun sa loob ng isang taon, eh di Php2000 lang ang babayaran mo sa isang buwan.
 
Okay na rin. At least, hindi ka maglalabas ng Php24000 nang biglaan. Aba, masakit sa bulsa yun.

At may promo pa nga yung ibang appliance center. Shop now, pay after three months. Again, di ibig sabihin na babayaran mo na ng buo after three months, kundi mag uumpisa ang first installment ng payment mo after three months pa! Aba sosyal!!! Sira na yung gadget, di ka pa nakakapag-umpisang magbayad.

Pero aminin man natin o hindi, malaking tulong sa mga karaniwang tao ang zero interest na yan.Kakayanin bang bumili ng ordinaryong empleyado ng mga mamahaling appliances kung cash agad ang usapan? Siyempre, mas uunahin na yung mga neccesity kesa mga kung anu-anong luho lang naman.

Balikan natin yung kakilala ko, enjoy na enjoy siya sa paggamit ng credit card niya dahil sa mga zero interest purchases. Ngayon nga, halos kumpleto na ang mga kasangkapan niya sa bahay. Nakapagpundar siya ng mga gamit dahil sa zero interest na yan. At pag may bagong labas na gadget at napag-tripan niyang bumili, nakakabili siya. Ang maganda lang, nagagawa naman niyang i-manage nang maayos ang credit card niya para di siya malubog sa utang kahit pa ba zero interest ang labanan.

Linggo, Agosto 28, 2011

Ang Nawawalang Anak ng Kanyang Ina

Minsan napag usapan namin sa trabaho yung mga eksenang madalas mapanood sa mga pelikulang pinoy. Mga eksenang pag napanood mo, sure ka nang pinoy movies nga yun at wala nang iba. Gaya pag may mamamatay na karakter sa isang eksena, magdadayalog muna ng pagkahaba-haba at pagtapos ng dayalog, at saka siya mamamatay. Bago yun, ipapakita munang hirap na hirap nang magsalita yung mamamatay. Pero nakaya pa niya ang kilometric dayalog bago siya natsugi.

Ano pa? Eto, sa isang eksena, pinagbababaril na ng kontrabida yung bida na takbo ng takbo para di siya tamaan ng bala. Habol naman ang kontrabida with matching putok ng baril one after the other. Eto na, pag na-corner na ng kontrabida ang bida, di naman niya babarilin yung bida, instead, magdadayalog siya ng kilometric din hanggang sa makalingat siya at siya pa ang mapapatay nung bida. Sa ibang pelikula naman, pag na-corner na ng kontrabida yung bida, di na niya mababaril yung bida dahil wala na siyang bala. Ending, patay yung kontrabida. Tapos dadating na yung mga pulis (na laging huli kung dumating sa mga pinoy movies).

Sa mga youth oriented pinoy films naman, at madalas din sa mga comedy films, usong-uso ang beach scenes. Kahit di kailangan sa istorya, isisingit at isisingit ang mga eksena sa tabing dagat para magkantahan at magsayawan ang buong cast, maipakita lang ang other talents (?) ng mga kabataang aktor at aktres. Madalas, sa latter part na ito ng movie. At pag patapos na ang kanta, sabay-sabay silang tatalon, sabay freeze ng frame, sabay labas ng makasaysayang "THE END" sa screen.

Madami pang ibang eksenang pang pinoy movies ang nakakatawa na ang dating sa moviegoers. Pero di naman yun ang topic natin ngayon kundi yung mga plot ng mga teleserye sa telebisyon ngayon. Kapansin-pansin na kasi na halos lahat ng TV series ngayon, iisa ang plot: ang nawawalang anak ng kanyang ina.

Panahon pa ng Mara Clara ay nagkakawalaan na ng mga anak. Di nga ba at isinulat pa sa  diary ang ginawang pagpapalit sa dalawang bata na humantong sa hanapan kung sino ang anak nino?

Sa TV show naman ng Sexbomb Dancers na Daisy Siete na umabot ng mahigit 20 seasons sa TV, maraming beses na  tungkol sa nawawalang anak ang itinakbo ng istorya. Wala na bang ibang plot na maisip ang mga writers sa TV?

Hanggang ngayon, marami pa ring ina ang naghahanap ng kanilang nawawalang anak.

Sa Sinner or Saint, nawawala at hinahanap ni Bianca King ang kanyang anak. As if di pa yun sapat, si Bianca King mismo ay nawawalang anak naman ni Timmy Cruz sa show na yun.

Sa Time of My Life, si Kris Bernal ang nawawalang anak ni Jean Garcia.

Si Gloria Romero, hinahanap pa rin ang kanyang heredera na walang iba kundi ang child star na si Mona Louise Rey, na nawawalang anak ni Camille Prats sa Munting Heredera.

Maging sa epicseryeng Amaya, di pa rin alam ni Lani Mercado na si Marian Rivera ang tunay niyang anak.

Ilang taon na ang nakararaan, hinahanap din ni Santino sa May Bukas Pa ang kanyang ina.

Sa katatapos lang na Babaeng Hampaslupa (Channel 5), nawawalang anak naman ni Alice Dixson si Alex Gonzaga.

At sa Iglot, nawawala naman ang anak ni Claudine Barretto.

Hay buhay...

Sana next time, mag-isip naman sila ng ibang plot sa istoryang gagawin nila.

Unang Sabak

Matagal ko nang gustong gumawa ng blog at i-share sa ibang tao ang aking mga pananaw at opinyon sa mga bagay-bagay, o kaya naman ay basta makapagsulat lang ng mga usaping tumatakbo sa aking isipan. Ang totoo, may nagawa na akong blog siguro mga dalawa o tatlong taon na ang nakararaan, pero dahil sa dami ng aking ginagawa, (o dahil sa katamaran) wala akong nai-post kahit isa man sa blog na yun hanggang sa nakalimutan ko na yung email address at password na ginamit ko dun para mag-sign in.

Hanggang kanina, sa kawalan ng magagawa pagkatapos kong magsawa sa panonood ng telebisyon, naisipan kong mag-check ng email at isang email mula sa isang taong di ko kilala ang nagsend sa akin ng mga blog na ayon sa kanya ay mga paborito niya at madalas niyang basahin dahil nalilibang siya sa pagbabasa ng mga iyon. 

Sinubukan kong basahin ang mga laman ng blogs na yun at talagang naaliw ako ng sobra sa mga artikulong naroon. Mga anekdotang nakakaaliw at nakakabaliw. Bigla kong naalala yung blog na ginawa ko dati.Pero dahil nakalimutan ko na nga yung email address at password, eto gumawa na lang ako ng bago at para masaya, inumpisahan ko na ring lagyan ng laman ang blog ko ngayon.

Unang sabak ko pa lang ito sa pagsusulat ng blog. Nakakakaba pala, nakakanerbyos. At mahirap dahil kailangang mag isip muna kung ano ang isusulat, hindi lang basta banat ng banat. Mas mahirap kayang mag isip ng topic kesa content ng topic na isusulat. Lagi ko kasing naiisip na baka di magustuhan ng readers ang mga sinulat ko o isusulat pa lang. Ewan ko ba, people pleaser lang talaga siguro ako. Pero this time, bahala na. Basta isusulat ko ang laman ng isip ko. Wala namang masama dun, magustuhan man ng iba o hindi. Sana, pag nagustuhan nyo, mag-comment kayo. Pag di nyo nagustuhan, mag-comment din kayo...para alam ko kung saan ako nagkulang... para alam ko kung paano i-improve yung mga isusulat ko next time... para masaya.